Nagsanib-puwersa ang Pamahalaang Probinsya ng Rizal at Lungsod ng Antipolo, katuwang ang Antipolo City Police at Philippine National Police (PNP) Counter Intelligence Task Force (CITF) Operatives sa entrapment operation kamakailan sa Barangay San Jose na nagresulta sa pagkakahuli ng apat na pulis dahil sa reklamong robbery extortion.
Ipinahayag ni Mayor Jun Ynares na walang puwang sa Lungsod ng Antipolo ang mga kawani na gumagawa ng iligal. Hindi umano niya hahayaan na ang pamahalaang lokal, lalo na ang pulisya na nangangalaga sa mga mamamayan, na siyang sisira at lalabag sa batas.
Nag-ugat ang pag-aresto sa reklamo ng isang hinuli ng mga suspek sa Brgy. Mayamot noong Hulyo 20. Napagbintangan ito na may bitbit na iligal na droga at binantaan na itataas ang kaso kung hindi magbibigay ng P50,000.
Nahuli sa operasyon at inaresto ang mga suspek na sina SP01 Ginnie San Antonio, PO2 Randolp Opeñano, PO2 Erwin Fernandez, at PO1 Alejo de Guzman, Jr.