Nadakip ang isang ama sa Sta. Rosa, Laguna, matapos nitong ibitin patiwarik ang kanyang 4-anyos na anak, saka sinuntok at sinampal sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kinunan pa ng video ng ama ang kanyang ginawa upang ipadala sa asawa na hindi na umuwi sa kanilang tahanan. Maririnig sa video na tinatanong ng ama ang kanyang anak kung masaya ito sa ginawa ng kanyang ina matapos uma­lis at nang hindi sumagot ang bata, hinampas ng lalaki ang mukha ng bata at sinuntok pa ito sa katawan.

Nag-viral sa Facebook ang nasabing video matapos i-post ni Myraflor Flores Basbas, madali nitong nakuha ang atensiyon ng mga netizen na agad na humingi ng tulong para sa kapakanan ng bata.

Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasabing bata, habang sasampa­han naman ng kasong child abuse ang ama nito.

Nagawa lamang umano ng ama ang pambubugbog dahil sa kalasingan at matinding pagnanais na bumalik ang kinakasama nito na ina ng bata, na nagpaalam na magbabakasyon sa Iloilo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente noong Disyembre 18 at ipina­dala ang video sa misis ng suspek noong Pasko. Babalik na umano ang ina ng bata ngunit ani ng DSWD, hindi nito agad makukuha ang bata dahil kinakaila­ngan pa itong imbestigahan kung may parental capacity o kakayahan na maalagaan ang bata.