4-anyos natusta sa tagu-taguan

Halos hindi na makilala ang sunog na katawan ng 4-anyos na paslit nang matagpuan sa isang bakanteng lote sa Quezon City, bisperas ng Pasko.

Kinilala ang biktima na si John Andrei Yapit, residente ng Brgy. Bagong Silangan, Cubao.

Sa inisyal na report sa pulisya, dakong alas-3:30 Martes ng hapon nang makita ang sunog na bangkay ng biktima sa bakanteng lote sa Columbia, corner 15th Avenue ng nasabing barangay.

Huling nakitang buhay ang biktima na nakuhanan pa ng CCTV na nakikipaglaro ng tagu-taguan sa isang 11-taong gulang na bata na ‘child with special needs’, at pagkatapos ay nagtungo sa nasabing bakanteng lote sa lugar.

Ilang minuto ang lumipas ay isang sunog ang naganap sa bakanteng lote at ang nakita sa CCTV na lumabas sa bakanteng lote ay ang 11-taong gulang na kalaro ng biktima.

Agad namang itinawag ng mga residente sa Bureau of Fire Protection ang sunog dahil sa pangambang madamay ang kanilang mga tahanan. Pero nang maapula ang apoy ay tumambad sa mga bumbero ang sunog na bangkay ng biktima.

Hindi pa masabi ng mga awtoridad kung ang kala­ro ng biktima na hindi muna tinukoy ang pangalan, ang may kagagawan ng sunog.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad para matukoy ang may kagagawan ng pagsunog sa biktima.

Naghihinagpis naman ang ina ng biktima na si Dina Yapit, sa nangyari sa kanyang anak na aniya ay isang malambing na bata na ika-anim sa pitong magkakapatid.

“Ito ang pinakamalungkot naming Pasko, lalo na kapag nakikita ko ang mga bagong sapatos at mga damit ni John Andrei para sana isusuot niya ngayong Pasko ngunit hindi na niya ito maisusuot” anang ina. (Dolly Cabreza)