Inaresto ng mga tauhan ng pulisya ang nasa apat na mga kalalakihan na umano ay sangkot sa panggugulpi ng isang trabahador ng cooking oil factory sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Police Senior Insp. Paul Dennis Javier ng Malabon City Police, kinilala ang mga suspek na sina Renato Libunao, 34-anyos, ng Perez Street, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod; Ivan Mortel, 24-anyos, ng Judge Oreta Street; Arthur Caayojan, 39-anyos at kapatid nitong si Alex Caayojan, 38-anyos, na pawang mga residente ng nasabing barangay.
Suspek umano ang apat sa panggugulpi sa isang Vincent Mahayag, 29-anyos, helper ng Spring Cooking Oil.
Sa ulat, alas-otso ng gabi nang mangyari umano ang panggugulpi pero bago umano iyon ay nauna nang napaaway ang biktima sa lugar sa hindi pa nalalamang kadahilanan kung saan ay nakihalo umano si Libunao at nagpakilalang barangay tanod saka sinipa at sinuntok ito.
Doon na nagdatingan ang tatlo pang suspek na nakihalo rin sa panggugulpi sa biktima.
Hindi pa sana titigil ang mga ito kung hindi pa nagdatingan ang mga tauhan ng barangay at inaresto ang apat.