Tinutugis na ngayon ng mga operatiba ng Philippine National Police ang apat na estudyante ng Ateneo de Manila University (ADMU) at isang mag-aaral ng University of the Philippines (UP) na inireklamo ng pambubugbog, pagnanakaw at pagbabanta sa kanilang kapwa estudyante noong Nobyembre 17, 2018 sa Quezon City.
Pinaghahanap ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region Field Unit (CIDG-NCRFU) na nakabase sa Camp Crame ang mga suspek na kinilalang sina Eric Villaluz, Karr Alonso, Carlos Gatmaytan, Krauss Lagula, pawang mga estudyante ng ADMU, at Mickey Dela Rosa, mag-aaral ng UP sa Diliman, Quezon City,
Ayon kay Supt. Arnold Thomas Ibay ng CIDG-NCRFU, bagama’t hindi pa lumulutang sa pulisya ang mga suspek ay sinampahan na nila ang mga ito ng mga kasong physical injuries, maltreatment, grave threat, at robbery sa sala ni Senior Assistant Prosecutor Ongsiako Zulueta ng Quezon City Prosecutor’s Office.
Makikipag-ugnayan din umano ang pulisya sa pamunuan ng ADMU para sa agarang ikadarakip ng kanilang mga estudyante na inireklamo ng biktimang si Alfonso Daniel Del Rosario Reyes, 20-anyos, binata, estudyante rin ng ADMU sa Loyola Heights, Katipunan Avenue, Quezon City.
Sa reklamo ng biktima kay Chief Inspector Julito Rabena, administering officer ng CIDG-NCR, pinagtulungan siyang bugbugin, pagnakawan at binantaan pa ng mga suspek noong Nobyembre 17, bandang alas-otso nang gabi, sa parking lot ng Walrus Bar na matatagpuan sa Katipunan Avenue, sa tapat lamang ng ADMU.
Pagkatapos ay binuhat umano ang biktima at hinubaran saka muling ginulpi hanggang sa nawalan ng malay.
Nagising ito na wala nang saplot at nawawala na ang kanyang iPhone at mamahaling relo at kuwintas.
Nabatid pa sa biktima na pinagbantaan siya ng mga suspek na huwag magpapakita sa kanila ulit kundi ay sasaktan muli siya at papatayin.