4 barangay official kalaboso sa pagkulong sa hinihinalang may COVID

Inaresto ang apat na opisyal ng barangay nang harangin umanong makalabas sa kanyang bahay ang isang pinaghihinalaang nahawa ng COVID-19 at pamilya nito sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang mga nireklamong opisyal na sina Barangay 538, Zone 53, Dist IV kagawad Bobby Biason, 48, at Marvin Simbahan, 27; Ex-O si Ferdinand Gatdula, 56, at tanod na si Epifanio Rempis, 49.

Sa operasyon ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) kamakalawa, hinuli ang apat, matapos makatanggap ng ulat sa ginawa umanong pagkulong ng mga ito sa bahay ni Irving Sales na matatagpuan sa Malamig St. Malamig St., Balic-Balic.

Ayon kay PMajor Rosalino Ibay Jr. hepe ng SMaRT, pinigil diumanong makalabas si Sales at iba pang kasama nito sa kanilang bahay makaraang paghinalaang COVIDl-19 person under investigation.

Nabatid na nakasalamuha umano ni Sales ang isang pasyente na kamakailan lang ay nakumpirmang COVID-19 positive kaya nagdeisyon ang mga opisyal na gawin ang aksyon at ipako ang pinto ng bahay at nilagyan ng harang ang posible nitong labasan.

Mahaharap ang mga hinuling opisyal sa paglabag sa City Ordinance 8624 o Discriminating against a person due to COVID-19, RA RA 11469 o Bayanihan Heal as One Act, at Article 124 ng Revised Penal Code o Arbitrary detention. (Juliet de Loza-Cudia)