Bloke-blokeng pinatuyong dahon ng ‘tsongki’ ang nasamsam ng mga awtoridad mula sa dalawang drug pusher na naaresto sa buy-bust operation sa Caloocan City kahapon.

Sa isinumiteng ulat kay P/Supt. Ferdie del Rosario, deputy chief of police for administration, kinilala ang mga suspek na sina Russel Ariola alyas Kadyo, 25-anyos, taga-Talilong Street, Brgy. 35, at Karl Osila, 18-anyos, ng No. 44 G. De Jesus St., Brgy. 139, Caloocan City.

Kuwento ni Col. Del Rosario, alas-12:30 ng hatinggabi, nagkasa ng buy- bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pamumuno ni P/Chief Insp. Rengie Deimos sa panulukan ng Talilong cor. Talaba St., Brgy. 35, Caloocan City.

Si PO1 Nico June Roque ang nagkunwa­ring buyer at umiskor ng P1,000 halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana at naroroon din sa transaksiyon si Osila.

Nang iabot ang isang plastic sachet na may lamang tsongki, dito na sila dinamba ng mga pulis at pinosasan.
Nang kapkapan, nakuha sa kanila ang apat pang bloke ng pinatu­yong dahon ng marijuana na nakabalot sa scotch tape na ang market va­lue ay P30,000.