ZAMBOANGA CITY — Tatlong sundalo at isang pro-government militia ang patay sa matinding sagupaan kahapon sa Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan.
Ito ay sa bayan ng Tuburan kung saan tinutugis ng militar ang ASG na kaalyado ng Islamic State. Isang batang babae rin ang inulat na sugatan matapos na mahagip ng ligaw na bala sa kasagsagan ng sagupaan.
Nagpadala pa ang Philippine Air Force ng OV-10 bombers sa Basilan dakong hapon bilang suporta sa operasyon.
Noong nakaraang linggo ay sinabi ng Western Mindanao Command na napatay ng mga tropa ang 45 ASG kahit wala itong naipakitang bangkay sa halos isang buwang labanan sa bayan ng Tipo-Tipo. Dalawang kuta rin ng rebeldeng grupo ang nabawi roon.