Apat pang Chinese ang inaresto ng mga pulis sa magkahiwalay na insidenteng nangyari sa Pasay City at Makati.
Ayon kay Pasay City Police chief Col. Ericson Dilag, Lunes ng gabi nang arestuhin ang dalawang Chinese national na kinilalang sina Cheng Long Xu, 22-anyos, at Liu Sheng Zhen, 25, pansamantalang naninirahan sa Belmont Hotel sa Newport Boulevard ng nasabing lungsod.
Nireklamo ang mga ito dahil sa pananakot at panunutok ng baril kay Carlito Mesias, security guard ng Selah Garden Hotel na matatagpuan sa Park Avenue, Pasay City.
Nabatid na basta na lang pumasok ang dalawang Chinese sa nasabing hotel kaya sinita sila ng security paglabas. Hindi umano nagustuhan ng dalawang dayuhan ang pagsita sa kanila hanggang sa naglabas ng baril ang suspek na si Liu Sheng Zhen at tinutok kay Mesias sabay kalabit na mabuti na lang hindi pumutok.
Nasakote ang dalawa sa agarang pagresponde ng mga tauhan ng Libertad Police Community Precinct.
Base sa rekord ng pulisya, dati nang nakulong ang dalawa dahil sa kasong robbery pero nagpiyansa noong Pebrero 12.
Sasampahan ang dalawang Chinese ng mga kasong alarm and scandal, illegal possession of firearms, at attempted homicide sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Palit-dollar modus Inaresto naman sa Makati ang dalawa pang Chinese matapos ireklamo ng kanilang kababayan dahil sa pagtangay ng dolyares, Lunes ng tanghali.
Kinilala ang mga inaresto na sina Yang Xiangyu, 22-anyos, at Chen Nan Hui, 24, kapwa tumutuloy sa SOWA Building, Pasay City.
Batay sa ulat ni Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, dakong alas-11:30 ng tanghali nang madakip ang dalawang suspek sa entrapment operation sa isang coffee shop matapos ireklamo ng biktimang si Guozheng Cao, 30-anyos.
Nakilala umano ng biktima sa ‘We Chat’ ang mga suspek at inalok siya na papalitan ang kanyang mga dolyares ng Chinese RMB na malaki ang tubo.
Nakipagkita siya sa dalawang suspek at binigay sa mga ito ang halagang US$8,700.
Nangako umano ang mga suspek na ipapadala sa biktima ang resibo at ididiretso ang kapalit na RMB sa kanyang bank account. Ngunit walang perang pumasok sa kanyang bank account at nadiskubre pa na peke ang resibong binigay sa kanya.
Dito na siya dumulog sa Makati City Police na agad namang ikinasa ang entrapment operation. (Armida Rico)