4-day work week kinakasa

Kinakasa na ngayon ng gobyerno ang four-day work week at flexible work arrangement para sa sektor ng manggagawa bilang tugon sa banta ng retrenchment at pagkalugi ng mga pagawaan at iba pang negosyo.

Ito ang pahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa isang panayam nitong Martes kung saan kanyang sinabi na kabilang sa kanilang pinag-uusapang solusyon ang “posibleng pagpapatupad ng four-day work week bilang isa sa mga hakbang na kayang gawin para sa ng mga manggagawa sa gobyerno.”

Kasunod ito ng pagsususpinde ng klase sa lahat ng antas sa buong National Capital Region (NCR) simula ngayong araw hanggang Sabado, Marso 14, bilang bahagi ng mga pagsisikap ng gobyerno upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa Kamaynilaan matapos na umabot sa 24 ang kumpirmadong kaso nito sa bansa noong Lunes nang gabi.

Sinabi pa ni Nograles, na kasapi sa Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (TF EID), na ang suspension ng klase sa NCR ay maaaring mapalawig o matanggal base sa kahihinatnan ng assessment ng TF EID.

Pahayag pa ng opisyal ng Palasyo sa panayam, kung kapakanan umano ng mga empleyado sa pribadong sektor ang pag-uusapan, “ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nag­labas kamakailan lamang ng isang labor advisory na magri-regulate sa flexi-work arrangements.”

Inilabas umano ang advisory ng DOLE, ayon kay Nograles, “upang maiwasan ng mga may-ari ng negosyo ang pagbabawas ng empleyado at pagtatangal ng manggagawa.”