Isang babae at tatlong lalaking mga drug pusher sa Brgy. North Bay Boulevard South, Navotas City ang naaresto sa buy-bust operation kamakalawa nang gabi.

Sa ulat ni Navotas­ City Police deputy chief for administration Chief Supt. Ilustre Mendoza, kinilala ang mga suspek na sina Elsa Santos, 34; Nicolas Sobrino, 37; Reynaldo Martinez, 48; at Camilo Lazaro, 48, pawang nakatira sa Brgy. North Bay Boulevard South.

Bandang alas-9:45 nang gabi ikinasa ang buy-bust ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit sa pamumuno ni PO2 Jameson Cabidog at unang naaresto sina Santos at Sobrino.

Kasunod na nasakote sina Martinez at Lazaro na nagsilbi umanong ‘lookout’ ng dalawa nilang kasama.

Kinapkapan sila at nahulihan ng apat na sachet pa ng shabu habang nahulihan din si Sobrino ng isang kalibre .22 na Magnum revolver.

Nakakulong sila ngayon sa Navotas Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at karagdagan pang kaso para kay Sobrino dahil sa baril na nakumpis­ka sa kanya.