Lusot na sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang apat sa mga itinalagang kalihim ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi na dumaan pa sa mahabang deliberasyon sa committee level gayundin sa pagsalang sa plenary ang appointments nina Alfonso Cusi bilang kalihim ng Department of Energy (DOE); Carlos Dominquez ng Department of Finance (DOF); Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Martin Andanar bilang Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary.
Si Senador Franklin Drilon ang nag-sponsor sa plenary para sa pagkumpirma ng appointment ni Cusi na sinuportahan din nina Sens. Loren Legarda, Juan Miguel Zubiri at JV Ejercito.
Si Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan naman ang tumayo para i-sponsor ang pagkumpirma sa appointment ni Domiquez na sinuportahan din nina Sens. Recto at Zubiri.
Si Rep. Ronaldo Zamora ang isa sa nag-sponsor sa kumpirmasyon ni Bello.
Ayon kay Zamora, subok na si Bello sa kanyang pagiging isang public servant kung kaya’t walang dudang magagawa nito ang kanyang trabaho.
Pinangunahan naman ni Rep. Sandy Ocampo, ang pag-sponsor sa kumpirmasyon ni Andanar na sinegundahan ni Sen. JV Ejercito.