4 health workers sa Baguio, 3 pa nag-positive sa COVID

Kinumpirma ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na may pitong bagong kaso na nagpositibo sa coronavirus disease-19 (COVID-19) sa siyudad.

Sinabi ni Magalong na apat dito ay mga health worker ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) na nakatalaga sa subnational laboratory center for COVID ng Department of Health-Research Institutes for Tropical Medicine (DOH-RITM) at tatlong civilian.

Ayon sa alkalde, ang apat na medical worker ay dalawang doctor, isang nurse at isang office clerk na pawang mga residente ng Barangay Santo Tomas Proper at BGH Compound Barangay sa nasabing siyudad.

Naka-confine ngayon ang apat kasama ang tatlong indibidual at nasa mabuti na silang kalagayan.

Ayon kay Magalong, naka-lockdown na ang mga mga barangay ng pasyente particular na sa Santo Tomas Proper, BGH Compound, San Luis, Sector 5 ng Dominican-Mirador at Woodsgate Suvbd., ng Camp 7.

Samantala, ayon kay BGHMC chief Dr. Ricardo Ruñez, sinimulan na nila ang contact tracing at inumpisahan na rin ang COVID-19 test sa mga empleyado ng ospital. (Allan Bergonia)