4 hukom sa narco-list iimbestigahan ng SC

Magsasagawa ng fact-finding investigation ang Supreme Court (SC) laban sa apat na hukom na tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsisilbing protector umano sa operasyon ng iligal na droga sa kanilang nasasakupan.

Sa ginanap na en banc session, ipinasiya ng mga mahistrado ng SC na tratuhin ang talumpati ni Pangulong Duterte bilang reklamo laban sa a­pat na hukom na kinabibila­ngan nina Judge Exequil Dagala ng Dapa-Socorr­o Surigao Municipal Tria­l Court (MTC), Judge Adria­no Savillo ng Iloilo Regional Trial Court (RTC) Branch 30, Judge Domingo Casiple ng Ka­libo, Aklan RTC Branch 7, at Judge Antonio Reyes ng Baguio RTC Branch 61.

Sa ginanap na press briefing ni SC spokesman Atty. Theodore Te, inatasan din aniya ng SC si Executive Secretary Salvador Medialdea na magsumite ng complaint affidavit laban sa apat na hukom at magsumite ang mga respondent judges ng sagot sa loob din ng pitong araw pagkatanggap ng kopya ng reklamo laban sa kanila.

Itinalaga rin ng SC si retired Associate Justice Roberto Abad para pamunuan ang imbestigasyon at magsumite ng rekomendasyon sa SC en banc.

Binigyan ng SC si Abad na tapusin sa loob ng 30-araw ang isasagawang imbestigasyon na magsisimula kapag naisumite na ng mga res­pondent judges ang kanilang mga sagot.

Una nang nagpaha­yag ng pangamba si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na malagay sa panga­nib ang buhay ng mga tinukoy na hukom dahil sa mga vigilante.

Pinayuhan din nito ang mga hukom na huwag susuko sa Philippine National Police (PNP) kung walang warrant of arrest laban sa kanila.