4 konsehal sa Olongapo kinuwestyon

Kinuwestyon ng isang kandidato sa pagkakonsehal sa Olongapo City ang magaganap na substitution sa apat na kandidatong konsehal ng lungsod na pinatawan ng dismissal from the service ng tanggapan ng Ombudsman.

Ayon kay Batang Gapo President at kandidato na si Patrick Escusa, nagkakaroon umano ng kalituhan sa hanay ng mga botante ang substitution dahil sakaling manalo ang mga nasibak na konsehal ay ang kanilang mga anak o asawa ang mauupo sa konseho.

Ang pahayag ni Escusa ay kaugnay sa ipinalabas na resolusyon no. 10420 ng Commission on Election Comelec kung saan sakaling ang isang kandidato ay nasawi, nag-withdraw o nadiskuwalipika, ay pinapahintulutan na maghain ng Certificate of Candidacy, hanggang alas-dose nang tanghali sa mismong araw ng eleksyon, ang kapalit na kandidato sa kondisyon na pareho ang kanilang apelyido.

Matatandaang Marso 28, 2019 nang ihain ng Department of Interior and Local Government ang dismissal order sa mga kandidatong konsehal na sina Ed Guerrero, Winnie Ortiz, BJ Cajudo at Linus Bacay kaugnay sa isang kaso na kasalukuyang inaapela sa Supreme Court. (Jojo Perez)