4 magkapamilya huli sa drug session

Bagama’t sumunod sa panawagang stay at home, naaresto naman sa drug session ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na miyembro ng pamilya sa Barangay Tatalon sa Quezon City.

Kinilala ni QCPD Director, Police Brigadier General Ronnie Montejo, ang mga naaresto na sina Elvie Flores, 51; mga anak na sina Nathalie, 25 at Angelito, 19; at mother-in-law na si Raquel Bona, 49, pawang naninirahan.

Sa report ng Galas Police Station (PS 11) na pinamumunuan ni PLt. Col. Reynante Parlade, nakatanggap ng impormasyon ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kaugnay sa ginagawang iligal na aktibidad ng nasabing pamilya.

Dahil dito ay agad na nagkasa ng pagsalakay ang mga awtoridad at bandang alas-7:05 Lunes ng umaga ay naaktuhan ng mga operatiba ang mga suspek na nagsasagawa ng drug session.

Ang mga suspek ay nakapiit ngayon sa Galas Police Station matapos na makumpiskahan ng 14 sachet ng shabu. (Dolly B. Cabreza)