Patay ang apat na miyembro ng Maute terror group nang tambangan ng mga armadong grupo ang patrol car ng Regional Safety Batallion ng PNP sa barangay Karalangan, Pantar, Lanao del Norte, Sabado ng gabi.

Sa report ni Sr. Supt. Rolando Anduyn ng Task Force Marawi ng PNP, alas-6:00 ng gabi nang maganap ang pananambang.

Galing umano ng Marawi City ang convoy na escort ng apat na Maute fighters nang pagbabarilin sila sa boundary ng Baloi at Pantar.

Biyernes, June 9, nang maaresto ang apat na Maute fighters na sina Julkipli Maute, na gumagamit ng alyas na “Jar Maute” at “Abu Basher”; isang alyas “Hadji Sulayman”; Alan Sulayman; at Ala Saba.

Sugatan din sa pananambang ang tatlong pulis na sina Chief Insp. William Santos, ng CIDG na tinamaan sa hita at Sr. Insp. John Vladimir Hilarion at PO1 Danny Giovanni Mapula.

Nakatakdang i-inquest sa Cagayan de Oro City ang apat na Maute members pero napatay ang mga ito.

Gagamitin umano sanang testigo ng pamahalaan ang apat na terorista laban kay Ominta Romato ‘Farhana’ Maute, ang inarestong ina ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute.