4 menor de edad buking sa halimuyak ng marijuana

Apat na kabataang lalaki kabilang ang tatlong paslit ang nadakip ng pinagsanib na operatiba ng barangay tanod at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Guiguinto police makaraang makatawag-pansin ang amoy ng ‘damo’ na hinihithit ng mga ito sa bisinidad ng Barangay Tiaong, Guiguinto, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Sa report ni P/Major Rolando Geronimo, chief of police ng Guiguinto police station, kay P/Lt.Col. Lawrence B. Cajipe, acting provincial director ng Bulacan PNP, nakapiit ang ‘di na pinangalanang apat na kabataan at nasa pangangalaga ngayon ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) matapos mahulihan ng dalawang pakete ng ‘damo’ ang kasamahan nilang teenager na pasimuno ng pot session.

Nabatid na pasado alas-10:00 ng gabi, habang nagpapatrulya ang barangay tanod ng Barangay Tiaong, Guiguinto nang makatawag-pansin ang amoy ng marijuana na nagmumula sa apat na suspek na nakaumpok sa gilid ng kalsada kaya kanila itong sinita.

Sakto namang dumating ang pulisya at nakumpiska ang ‘damo’ sa isa sa mga suspek. (Jun Borlongan)