Nasagip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang apat na menor de edad habang arestado ang lima katao sa sinasabing drug den sa Davao City.
Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino ang mga naaresto na sina Benido Malikay, 30-anyos, drug den maintainer, mga bisitang sina Kevin Harabina, Reynaldo Tolentino, Rocel Leoncion at Rolando Gordo.
Nailipat na sa “Quick Response Team for Children’s Concern” ang mga nasagip na menor de edad.
Sa ulat ng PDEA, nakumpiska sa drug den na matatagpuan sa Purok Dos, Brgy. 76-A, Davao City ang P195,000 halaga ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.
Samantala, nadakip naman ng puwersa ng PDEA Regional Office 13 sa isinagawang buy-bust operation si Wenjoy Menil Balaga, Forest Technician 1 ng Department of Environment and Natural Resources, na “high-value target drug personality” dakong alas-4:40 ng gabi sa Purok 1, Mahogany, Butuan City. Nakumpiska sa kanya ang 2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P13,600.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.