Nailigtas ng pulisya ang apat na babae, kabilang ang isang menor de edad, sa ginawang pagsalakay sa kuta ng dalawang notoryus na tulak na napatay din sa operasyon sa Antipolo City.

Sa ulat ng Antipolo Police, kinilala ang mga nasawing suspek na sina ­Rolando Tajan at isang alyas Julius sa anti-illegal operation alas-11:50 Miyerkoles ng gabi sa Brgy. San Roque.

Unang na-rescue ang 18-anyos na babae mula sa pagiging sex slave ng mga parokyano ng mga suspek. Ito ang nagturo sa bahay ni Julius sa Robinsons Homes ng nasabing barangay.

Nagkasa ng buy-bust operation ang pulisya laban sa suspek ngunit nang makatunog umano na may kasamang mga awtoridad ang katransaksyon ay nagpaputok ito ng baril na siyang hudyat ng shootout na ikinasawi ni Julius at kasama nitong si Tajan.

Nasagip sa operasyon ang tatlo pang babae na may mga edad 15, 18 at 22. Nalamang pinasisinghot muna ng shabu ang mga ito bago ibigay sa mga parokyano ng drug den.