4 na suspek sa panununog sa Abante may mukha na

Tiniyak ng Parañaque City Police na tuloy pa rin ang imbestigasyon sa nangyaring pagsalakay at pagsunog sa bahagi ng pasilidad sa planta ng Abante/Abante Tonite sa Parañaque City kasunod nang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng apat na suspek na nasa likodng krimen.

Sa panayam ng Abante kay Police Col. Robin Sarmiento, hepe ng Parañaque City Police, nabuo na nila ang facial composite ng mga taong nahagip ng naka­kabit na CCTV camera sa lugar na posibleng may kinalaman sa sinadyang pagsunog sa planta.

Ipinamahagi na ani­ya nila ang facial composite, hindi lamang sa mga presinto ng kapulisan kundi sa mga ordinaryong mamamayan sa pagbabakasakaling may makakilala o kawangis man lamang ng nabuong pigura ng lalaking nakita sa CCTV.

Bukod dito, sinabi ni Sarmiento na irerekomenda nila sa Sangguniang Panlungsod na ami­yemdahan ang umiiral na ordinansa na nag-oobliga sa lokal na pamahalaan at bawat barangay na maglagay ng CCTV sa mga istratehikong lugar upang matukoy ang wastong ‘spe­cification’ ng ilalagay na surveillance camera.

Sinabi ni Col. Sarmiento na kung malinaw lamang ang reso­lusyon ng nakalagay na camera na nakahagip sa lalaking posibleng may kagagawan sa pagsunog, madali na nilang mahuhuli ang suspek at malalaman ang motibo sa ginawa nilng krimen.

Ayon pa sa opis­yal, wala halos makita sa kuha ng CCTV dahil mahina ang resolus­yon ng nakakabit na surveillance camera kaya’t nararapat lamang na maobliga ang lokal na pamahalaan at maging ng barangay na palitan ito ng may mataas na resolus­yon sa pamamagitan ng pag-amiyenda sa ordinansa. (Armida Rico)