Patay ang apat na katao kabilang ang isang target na drug pusher matapos ang naganap na engkuwentro laban sa pulisya Lunes nang umaga sa Manapla, Negros Occidental.
Ayon kay P/Col. Romeo Baleros, director ng Negros Occidental Police Provincial Office, kabilang sa apat na nasawi ang target na si Alson Aguire, isa sa mga high value target ng pulisya at sub-leader ng Divinagracia drug group sa Silay City.
Dalawa pa sa mga nasawi kabilang ang traysikel drayber ay natukoy na rin ng pulisya subalit sadyang hindi inilabas ang pagkakakilanlan.
Naganap ang engkuwentro dakong alas-7:30 ng umaga sa Hacienda Bariw, Brgy. Santa Teresa matapos lusubin ng pulisya ang lugar na kung saan nagkukuta ang mga miyembro ng sindikato.
Nagkaroon ng palitan ng putok ang dalawang grupo na nagresulta sa pagkakapatay sa apat na suspek.
Nakuha sa mga napatay ito ang M18 rifle, KG9 machine pistol, kalibre .45 baril at hindi pa mabatid na dami ng pinaniniwalaang shabu. (Edwin Balasa)