Patay ang apat na motorcycle riding group matapos silang tambangan at pagbabarilin ng isa pang grupo ng kalalakihan na sakay ng dalawang motorsiklo kamakalawa nang tanghali sa Brgy. Danglag, Consolacion, Cebu.

Isa sa napatay ay dating pulis na nakapagpiyansa sa kasong illegal possession of firearms na si Jeremias Minoza Herbieto, 52, dating nakadestino sa Cebu City Police Office; Adrian Cabunelas, 30, taga-Barangay Pulpogon 2, sa Consolacion at Joel Cabardo, ng Davao City. Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng pang-apat na napaslang.

Suwerte namang nakaligtas at walang tama ang asawa ni Herbieto na backrider nito nang maganap ang pamamaril.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng apat na riding-in-tandem na mga suspek na agad humarurot sakay ng kanilang motorsiklo matapos ang pamamaril.

Sa inisyal na ulat ng Consolacion Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente kamakalawa ng tanghali habang bumabagtas ang mga biktima sa Brgy. Danglag patungong Brgy. Cabangahan nang atakihin sila ng mga suspek at parang napapanood sa pelikula na pinagbabaril ang grupo ng mga nakamotorsiklong biktima saka mabilis na tumakas.

Ayon sa pulisya, posibleng nadamay lang ang tatlong nasawi dahil si Herbieto umano ang target ng mga suspek subalit upang maging malinaw ang pangyayari ay patuloy ang pa ang ginagawang imbestigasyon.