4 NPA bulagta sa Agusan del Sur

Apat na kasapi ng New People’s Army (NPA) ang napatay habang limang high-powered firearms ang narekober sa pakikipag-bakbakan sa tropa ng 26th Infantry Battalion sa San Luis, Agusan Del Sur.

Naganap ang enkuwentro bandang alas-7:50 ng umaga sa Sitio Kihingay, Barangay San Pedro matapos rumesponde ang tropa ng pamahalaan sa report na umaabot sa 30 NPA sa ilalim ni Kumander Antoy ng Guerilla Front 88, ang sapilitang humihingi ng pagkain at iba pang donasyon mula sa mga residente sa lugar.

Sa engkuwentro, apat na rebelde ang napatay at nakakumpiska ng tatlong AK-47s, dalawang M-16 rifles, dalawang ICOM radios, 20 bag packs at mga subersibong dokumento.

Ang naturang grupo na nakasagupa ay ang grupong umako na responsable sa masaker sa pamil­ya Bucalas sa Zilovia, Talacogon nitong Mayo. Kinumpirma naman ni Col. Cristobal Zaragoza, commander ng 401st Infantry Brigade na walang napatay sa panig ng pamahalaan.