Apat na mga dating miyembro ng rebeldeng New People’s Army ang boluntaryong nagbalik-loob sa pamahalaan makaraang sumuko noong Linggo sa mga operatiba ng 2nd Provincial Mobile Force sa Nueva Ecija.
Kinilala ni Police Lt. Col. Norman Cacho, task force commander, ang sumukong sina alyas Ka Vinzon, 56, taga-Brgy. San Isidro, Lupao, miyembro ng CPP/NPA na nag-ooperate sa Nueva Ecija; alyas Ka Badong, 56 ng Brgy. Balbalungao, Lupao, nag-ooperate sa area ng Nueva Ecija, Nueva Viscaya at Aurora; Alyas Ka Miller, 44, ng Brgy. San Isidro, Lupao, nag-ooperate sa area ng Nueva Ecija at Pangasinan at si alyas Ka Dim/Ka Banjo/Ka Turing, 49, ng Brgy. Putlan, Carranglan, pawang sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon kay Cacho ang apat na kagawad ng KLG Caraballo ay nagbalik-loob na walang naisukong armas.
Kasalukuyan umanong isinasailalim ang mga ito sa kaukulang tactical debriefing at inaasahang makakakuha ng mga mahahalagang impormasyon na magagamit sa mga susunod na police at military operation. (Jojo de Guzman)