4 pa nalagutan sa lambanog

Apat na katao pa ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi matapos umanong makainom ng isang klase ng lambanog sa Quezon.

Batay sa impormasyon, bukod sa apat na naunang nasawi sa bayan ng Candelaria, dalawa pa ang namatay sa lungsod ng Lucena at isa ring mag-asawa sa bayan ng Pagbilao.

Sa report ng Lucena City police, kapwa isinugod sa pagamutan nang bumula ang mga bibig nina Arvin Jun Santiago, 34, at Dominic Torres Colegio, 29, parehong residente ng Brgy. Dalahican.

Ayon sa imbestigasyon, alas-otso ng umaga noong Disyembre 24 nang isugod sa Quezon Medical Center ang dalawa na parehong nakaranas ng sintomas ng pagkalason tulad ng pagsusuka at pagkahilo matapos mag-inuman noong Lunes, Disyembre 23.

Martes, Disyembre 24, ng gabi namatay si Santiago, habang hapon ng Pasko, Miyerkoles, naman si Colegio habang sumasailalim sa dialysis.

Ayon pa sa report, Rey Lambanog din na galing San Juan, Batangas ang ininom ng dalawa na nabili sa isang tindahan sa kanilang barangay.

Sa Brgy. Polo, bayan ng Pagbilao, kapwa nasawi rin ang mag-asawang sina Pedro Duran, 60, at Rosy Duran, 60, matapos na makainom ng lambanog noong bisperas ng Pasko.

Makalipas ang Pasko, araw ng Huwebes, nadiskubre ng mga kapitbahay na mahinang-mahina na ang mag-asawa sa kanilang bahay kaya sinugod sa ospital sa Lucena City subalit parehong dineklarang dead-on-arrival ang dalawa.

Dahil dito, umaabot na sa walo ang biktima ng pagkalason sa Rey lambanog sa lalawigan ng Quezon. (Ronilo Dagos)