Nasawi ang isang negosyanteng Tsinoy habang sugatan ang apat na katao kabilang ang dalawang bata matapos pagbabarilin ng isang security guard nang magtalo sa par­king space kahapon nang hapon sa entrance gate ng iPacific Re­sidence, sa Lavezares St.,Binondo, Maynila.

Ayon kay Supt. Carlito Mantala, hepe ng Manila Police District-Police Station 11, idineklarang patay dakong alas-3:39 nang hapon sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) ang biktimang si Albert Lee So, 40-anyos, may-asawa, negosyante at residente ng no. 477 Lavezares St., Binondo, Maynila.

Nakaratay rin sa nabanggit na pagamutan sina Vivian Ilagan, 40, security guard; magkapatid na sina Pinky Loraine Velasco Flores, 7, na tinamaan sa kanang siko at Rosalina Velasco, 10 na kapwa residente ng no. 730 Interior 5, Bagong Alay St., Binondo, Maynila at Jesse Falcuitin, 34, residente ng no. 713 Elcano Tower III, Binondo.

Habang nadakip naman ang suspek na ang security guard na Jobel Baet ng Fast Link International Security Agency­ Inc. na nakata­laga sa IPacific Residence na matatagpuan sa no. 468 Lavesarez St., panulukan ng Ilang-ilang st., Binondo.

Dakong alas-2:20 nang hapon nang mangyari ang insidente sa entrance gate ng IPacific Residence.

Nagkainitan umano ang nasawing negosyante at ang sik­yong si Baet dahil sa parking space ng na­sabing condomium na nauwi sa pamamaril at nagdamay pa ng ibang tao.

Narekober mula sa suspek ang isang 9mm Rock Island Armory ca­liber pistol na may serial number 1796666 model M1911 A1.FS at isang empty magazine.

Inilipat naman sa MPD-homicide section ang suspek habang nag-iimbestiga pa sa pangyayari si PO3 Michael Maraggun para sa isasampang patong-patong na kasong criminal sa suspek.