Arestado kamakalawa ng gabi ang apat na pulis matapos ireklamo ng robbery extortion ng isang lalaki na kanilang hinuli at ipapawalang-sala lang kung makapagbibigay umano ng P50,000 sa Antipolo City.
Kinilala ang mga suspek na sina SPO1 Ginnie San Antonio; PO2 Randolph Openano; PO2 Erwin Fernandez; at PO1 Alejo De Guzman Jr., pawang nakatalaga sa Drug Enforcement Unit (DEU) ng Antipolo City Police.
Ang apat ay inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Antipolo City Police sa pangunguna mismo ni Supt. Reynaldo Rosero, chief of police, at ng Counter Intelligence Task Force Operatives ng Philippine National Police, sa pangunguna ni P/Supt. Michael John Mangahis, dakong alas-6:10 ng gabi sa ACG Building sa Circumferential Road sa Barangay San Jose.
Nag-ugat ang pag-aresto sa reklamong robbery extortion na inihain ng isang Joseph delos Santos, na inaresto ng mga suspek noong Hulyo 20, 2017 sa Barangay Masinag, dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Kinausap umano ng mga suspek ang complainant na bigyan sila ng P50,000 upang babaan na lamang nila ang kasong isasampa sa kanya.
Nagbanta rin umano ang mga ito na patataasin ang kaso kung hindi magbibigay ng salapi.
Napilitan ang complainant na pumayag sa kagustuhan ng mga suspek ngunit nagsumbong ito sa mga awtoridad na nagkasa ng entrapment operation at nahuli ang mga suspek.