Apat na kalalakihan na umano’y pawang mga pusher at user ng shabu ang magkakasamang napatay makaraang manlaban sa mga aarestong alagad ng batas nang mahuli ang mga ito sa aktong nagsasagawa ng pot session sa isang bahay sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Quezon City Police Community Precint IV partikular ni PS/Insp. Emil Garcia, pasado umanong alas-kuwatro ng madaling-araw nang magsagawa ng operasyon ang mga awtoridad sa ilalim ng Oplan Tokhang sa Upper Empire, Barangay Bagong Silangan ng nasabing lungsod makaraang makatanggap ng reklamong may iligal na gawaing nagaganap doon.
Pinasok umano nila ang isang bahay sa lugar at doon na nila naaktuhan ang mga suspek na sina Jessie Coli, Raffy Gabo, Marcelo Daa at Anthony Komendo na sama-samang bumabatak ng shabu. Subalit bigla na lamang umano silang pinaputukan ng mga ito dahilan upang gumanti na rin sila ng putok.
Na-recover sa silid kung saan nahuli umano sa aktong nagpa-pot session ang mga suspek ang isang timbangan, mga drug paraphernalias at mga .45 caliber revolvers.
Ayon pa kay Garcia, marami na umanong natatanggap na reklamo ang Quezon City Police District na sangkot ang mga suspek sa iligal na kalakaran ng illegal drugs.
Mahigpit namang itinanggi ng mga pamilya ng mga napaslang na suspek na nanlaban ang mga napatay. Anila, may ilang mga hindi pa nakikilalang sibilyan na biglang pinasok sa bahay ang mga suspek at walang habas na pinaulanan ng bala.