Nalagay si Mary Joy Tabal sa Philippine record books bilang unang four-peat queen ng 40th MILO National Marathon Grand Finals, nakabulaga bilang bagong hari si Jeson Agravante kahapon ng umaga sa out-and-back route sa Megaworld Blvd., Iloilo City.

Sobrang saya ng Pasko ng 27 year-old Cebuana sa kabuuang kinitang P400,000 na kinabibilangan ng P250,000 sa pagsegunda sa 42.195K women’s Open, Filipina champion P150,000 at P50,000 new course record 2:47:49 na tumaklob sa 2:48:24 niya noong isang taon sa Pasay.

“Minimal lang ang training ko para sa full-marathon na ito dahil napakarami ko nang mga trainings at mga tinakbuhan ngayong taon. Natatakot akong magka-injuries at masunog,” wika ni Tabal. “Pero tiniyak ng coach (John Philip Duenas) ko na tama lang ang preparasyon ko. Relaxed lang ang pace ng takbo ko na-maintain lang at masayang manalo ulit ako.”

Segunda-tersera kay Rio Olympian Tabal sina four-time titlist Cristabel Martes (03:10:11) at Lizane Abella (03:14:27).

Nasilat naman nina Agravante (2:35:13), 28, ng Silay City, at Maclin Sadia (2:35:22) si 1996 champion Julius Sermonia (2:37:01) sa men’s title sa may 17,200 runners na sumali, kabilang ang sa 21K (half-mara­thon), 10K, 5k at 3k.