Inilipat na umano sa Camp Crame sa Quezon City ang apat na high-profile inmates na nasangkot sa riot sa Building 14 ng New Bilibid Prison (NBP).
Kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na kabilang sa inilipat sa Camp Crame sina dating police Chief Inspector Clarence Dungael at tatlo pang ibang Bilibid 14 inmates na nasangkot sa insidente.
Nilinaw naman ni Aguirre na ang tatlong inmates ay hindi ‘yung mga nasugatang preso na sina Jaybee Sebastian, Peter Co at Vicente Sy na kasalukuyang naka-confine sa Muntinlupa Medical Center.
Matatandaan na kabilang sa mga pangalan na binanggit ng mga imbestigador na sangkot sa stabbing incident ay sina Edgar Cinco at Tomas Domeña at isa pang Pinoy inmate.
Sinabi ni Aguirre na pinayagan niya na madala sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga inmates para doon imbestigahan sapagkat very tense umano kung sa loob ng Bilibid pa gagawin ang pag-iimbestiga.
Una na ring sinabi ni PNP-CIDG director CSupt. Roel Obusan na wala siyang itinakdang time frame kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring riot sa Bilibid.