Kumpirmadong patay ang apat na pulis na nakatalaga sa 601st company-Regional Mobile Force Battalion (RMFB6) sa Western Visayas matapos na mahulog ang sinasakyang mobile patrol truck sa isang bangin sa kahabaan ng Ginomoy Village, Alimodian, Iloilo City Sabado ng umaga.

Sinabi ni Executive Master Sgt. Ev Baclay, officer-in-charge ng Alimodian municipal police, na may sakay na 35 police officer ang mobile patrol truck mula sa minor combat operation at pabalik na sa headquarter nang maganap ang aksidente bandang alas-siyete Sabado ng umaga.

Dead-on-arrival sa pagamutan ang apat na pulis habang nasa 31 pa ang nilalapatan ng lunas sa Western Visayas Medical Center at Aleosan Hospital sa Almodian.

Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang naganap na aksidente kung human error ito o mechanical error dahil bulubundukin ang lugar na posibleng dahilan ng aksidente. (Vick Aquino)