Apat na pulis ang sugatan matapos pasabugan ng bomba ang kanilang patrol car kaninag umaga sa Mamasapano, Maguindanao.

Nilalapatan ng lunas sa Maguindanao Provincial Hospital sanhi ng mga tinamong shrapnels sa katawan ang apat na pulis na sina SP02 Mohammad Ampatuan, P03 Ali Ibrahim Malok, P03 Harim Guiampala Ampatuan at PO1 Norodin Enged Olympain, pawang mga nakatalaga sa Radjah Buayan Municipal Police.

Sa ulat ng pulisya, lulan ng patrol car ang mga biktima mula sa Radjah Buayan patungo ng Maguindanao Police Provincial headquarters nang pagsapit sa harap ng public market at Mamasapano Elementary School ay bigla na lamang sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa gilid ng national highway.

Sa inisyal na pagsusuri, gawa sa mga bakal, black powder, 9 volts battery, mga wirings at cellphone bilang triggering mechanism ang IED.

May teorya ang pulisya na posibleng ang pagsabog ay ganti sa mga pulis sa nakaraang drug raid sa bayan ng Radjah Buayan kung saan apat ang nasawi kabilang ang dalawang bata.