4 seller ng overprice na facemask, alcohol kalaboso

Higit P660,000 halaga ng medical supply ang nakumpiska habang apat katao ang naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG-NCR) dahil sa pagbebenta ng overprice na mga face mask at alcohol sa magkakahiwalay na operasyon sa Quezon City at Valenzuela City noong Martes.

Kinilala ni CIDG-NCR Chief Police Col. Tom Ibay ang mga naarestong suspek na sina Adam Mrangca, Reanlyn Lim, Edgardo Cabreles, at Ma. Luisa Cabreles.

Unang naaresto sina Marangca at Lim, alas-11:30 bago magtanghali kamakalawa sa isinagawang entrapment operation sa harapan ng Sto. Domingo Church sa Quezon Ave., Brgy. Tatalon, Quezon City matapos nilang magbenta ng overprice na KN95 na facemask sa halagang P196.00.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 2,000 piraso ng KN95 na facemask na tinatayang aabot sa P588,000 ang halaga.

Samantala dakong, alas-4:30 ng hapon nang madakip sina Edgardo at Ma. Luisa Cabreles sa Gulod St., Brgy. Bignay, Valenzuela City matapos ang isinagawang entrapment operation dahil sa pagbebenta naman ng overprice na alcohol. Ibinibenta nila ang isang gallon ng isopropyl alcohol sa halagang P600.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 153 galon ng alcohol na umaabot sa halagang P79,560.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG-NCR sa Camp Crame ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso dahil sa krimen. (Edwin Balasa)