Umalma ang apat na security guard sa isang food and beverage corporation nang sapilitan diumano silang tinanggal sa trabaho ng kompanyang kanilang pinaglilingkuran sa Calamba City, Laguna sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine.

Noong Biyernes ng hapon ay nagreklamo sa Calamba City Police station ang mga guwardiya na sina Rodrigo Gayo Munar, 57; Joefrey Barrido Barrios, 48; Rey Christoper Desabyla Aradin, 30; at Ariel Borce Labitoria, 25, na pawang mula sa JTDV Security Agency at mga stay-in na guwardya sa Pacific Synergy Food And Beverage Corp. sa Brgy. Milagrosa, Calamba City.

Ayon sa mga ito, Biyernes ng tanghali nang dumating ang inspector at supervisor ng kompanya na sina Leslie Soriano, Jeffrey Serezo at Marlon Puntanar at sinabihang tanggal na umano sila sa kanilang trabaho at papalitan na sila sa kanilang puwesto.

Hindi rin diumano sila pinasweldo sa kanila sanang sasahurin na mula pa noong Marso, bago pa magsimula ang lockdown.

Ang apat na naglakad lamang patungo sa presinto ay pansamantalang kinakalinga at pinakakain ng mga tauhan ng Calamba City police station habang hinihihintay pa ang kontak ng mga ito na siyang maghahatid sa kanila para makauwi sa kani-kanilang mga lugar sa Cavite, Bulacan at Iloilo.

Sinubukang kunin ng Abante ang panig ng kompanya pero wala pa itong pahayag. (Ronilo Dagos)