4 siyudad makikinabang sa Covid-19 testing center ng PRC

Apat na siyudad sa Metro Manila ang makikinabang sa bagong itinayong Coronavirus disease-2019 (COVID-19) testing center ng Philippine Red Cross (PRC) na naglalayong masugpo ang lumalalang virus, na matatagpuan sa national headquarters, EDSA, Mandaluyong City.

Ayon kay PRC Chairman and CEO Sen. Richard J. Gordon, nagkaroon ng memorandum of agreement ang apat na local government units ng Quezon City, Caloocan, Makati City at Mandaluyong City na maaaring gawin ng mga Red Cross volunteer ang swabbing sa mga barangay at mga nais na ipa-test habang sagot ng LGU ang testing cost para sa kanilang constituents.

“At present, we have two testing machines, with each one capable of conducting up to 1,500 tests per day, at makakatulong ‘yan so we can test more people. Mas madali nating matatanggalan ng maskara ang kalaban, hindi natin kalaban ‘yung taong maysakit kungdi ‘yung taglay niyang sakit. Pag nakita na natin ‘yung kalaban, at least mahihiwalay na natin iyan dun sa mga grupo ng mga taong wala at mapagamot na siya kaagad. At mababawasan ‘yung human-to-human contact na mangyayari kung di natin siya aalisin sa isang barangay,” ayon kay Sen. Gordon.

Magaganap sa bawat barangay ang swabbing at saka dadalhin sa Molecular Laboratory sa Mandaluyong para suriin kung positibo o negative sa Covid-19. (Vick Aquino)