Sa katatapos na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, wala tayong nabalitaang kaguluhan at bagama’t dismayado ang panig ng militante sa nilalaman ng ulat ng Pangulo, wala ring naging tensyon sa loob at labas ng Batasan Complex.

Ang lahat ng ito’y dahil sa mahusay na preparasyon ni NCRPO Director PMGen Guil­lermo Eleazar.

Sa SONA ng ilang da­ting Pangulo ng bansa, madalas nagkakagirian kundi man talagang nagkakasalpukan ang militante at ang mga kapulisan. May mga eksena pang nagkakaduguan dahil sa mga batuhan at matin­ding tulakan. At dahil bayolente nga ang mga SONA noon, ang mga pulis ay todo-armas. May mga dalang batuta at panangga habang nahaharangan ng mga barb wires at fire trucks ang kapaligiran ng Batasan.

Noong panahon nina Erap Estrada, Gloria Arroyo at Noynoy Aquino, mistulang la­ging may giyera kung makaporma ang mga kapulisan kapag araw ng SONA na lalo namang nagpapakulo ng dugo ng mga militante.

Apat na SONA na ang nagdaan sa kamay ni Eleazar at pinatunayan niya na hindi naman pala kailangan ng mga barb wires at fire trucks. Hindi rin pala kailangang armado ng mga baril ang mga pulis na tagabantay sa SONA.

Ipinakita ni PMGen. Eleazar na epektibo pa rin ang mga pulis kahit hindi sila mukhang laging makikibakbakan sa giyera. Ipinakita niyang hindi kailangang magkasakitan dahil hindi naman dapat ituring na kalaban ang mga kababayan nating nagpapahayag lamang ng kanilang damdamin at saloobin kapag araw ng SONA.

Wala nang gulo at habulan, wala nang sakitan. At ang lahat ng ito ay dahil sa hindi matatawarang husay ni PMGen. Eleazar. Maa­yos siyang nakikipag-usap sa panig ng mga militante bago pa man ang SONA at bawat kasunduan ay natutupad kaya naman mapayapang naidaraos ang mga SONA ni Duterte.

Hindi lamang sa Metro Manila kinikilala ang husay ni PMGen Eleazar. Malakas ang kanyang karisma at nirerespeto siya hindi lamang ng taga-admi­nistrasyon kundi ma­ging ng taga-oposisyon. Sa social media ay maraming nagpaparating ng sumbong kay Eleazar at humihingi ng assistance na hindi lamang mula sa Metro Manila kundi pati sa malalayong rehiyon sa bansa. Kaya kitang-kita na mataas ang respeto ng ating mga kababayan kay PMGen Eleazar.

Kung may secret formula ang iginagalang nating NCRPO director, nag-uugat ito sa ipinapakita niyang katapatan at dedikasyon sa kanyang tungkulin kaya naman saludo ang lahat kay PMGen Eleazar.