Humantong sa bilangguan ang tatlong lalaki at isang babae makaraang mahulihan ng shabu nang sitahin sila dahil sa paglabag sa curfew sa Cubao, Quezon City Biyernes ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang mga inaresto na sina Grace Pineda, 26, ng Sta. Mesa, Maynila; Ronald Valencia, 36, ng San Juan City; Marvin Santiago, 29, at Daniel Pamplona, 30, kapwa ng Pasig City.

Sa report ng pulisya, dakong alas-9:45 ng gabi habang nagpapatrolya ang mga pulis sa Illinois St., Cubao nang mapansin nila ang apat na nakatambay at nagkukuwentuhan sa kalsada.

Sinita ng mga pulis ang apat dahil sa paglabag sa curfew at hiningian sila ng identification card.

Pero sa paghugot ng isa sa apat ng kanyang ID sa bulsa ay sumabit ang isang maliit na plastic sachet kayat kinapkapan na silang lahat at nakuha pa ang 11 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P78,000.

Binitbit ang apat sa himpilan ng pulisya at nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa curfew hour at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Ronnie Montejo na patuloy ang kanilang anti-criminality operation kahit pinapatupad na ang enhanced community quarantine para proteksyonan ang mga residente laban sa mga sangkot sa iligal na gawain. (Dolly B. Cabreza)