Hindi lang dalawang taon kundi apat na taong emergency power ang nais ibigay ng isang mambabatas kay Pangulong Rodrigo Duterte para resolbahin ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Sa House Bill 1325 na iniakda ni Quezon City Rep. Winston Castelo, mas mahaba sa dalawang taon na hinihingi ng Palasyo ng Malacañang ang dagdag na kapangyarihan sa Pangulo upang tugunan ang lumalalang trapiko.
“The power herein granted to the President shall be valid for a period of four years from the effectivity of this act. Such powers may be extended or withdrawn at any time by resolution of Congress,” ayon sa panukala ni Castelo.
Nakasaad din sa panukala na oobligahin ang lahat ng may-ari ng sasakyan lalo na ang mga pampasahero na maglagay ng RFID o radio frequency identification upang makontrol ang pagpapatakbo ng mga driver at malaman kung sobra ang bilis ng takbo kapag nagkakaroon ng aksidente.