Dinakip ang apat na hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na shabu na gumamit pa ng barangay ambulance sa pagtutulak ng iligal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.

Hindi na nakapalag ang mga suspek na sina Ericson Diaz, 32; Oliver Dalena Jr., 44; Alex Del Mundo, 22; at Dean Patrick Marquez, 30.

Ayon sa MPD-Police Station 3 ,dakong alas-otso ng gabi nang maaresto ang apat na suspek sa kanto ng Bambang Street at Severino Reyes Street sa Brgy. 327 Zone 33 Sta. Cruz, Maynila.

Nabatid na isang poseur buyer ang nakipagtransaksyon sa mga suspek hanggang sa maitakda ang bentahan sa naturang lugar.

Nakuha sa mga suspek ang limang plastic sachet na naglalaman ng nasa 12 gramo ng hinihinalang shabu at may halagang P81,600.

Nakumpiska rin bilang ebidensya ang sinakyan ng mga suspek na puting Mistubishi L300 na ambulansya ng Brgy. 166 Zone 15 Caybiga, Caloocan City at isang gray na Yamaha Mio scooter.

Kulong ngayon ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Juliet de Loza-Cudia)