Hindi lamang usaping pang-kalusugan kundi isang panlipunang kalagayan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV (Human Immunodeficiency Virus) sa bansa.
Ayon kay Fr. Dan Cancino, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care, ang HIV ay dulot ng iba’t ibang social factors tulad ng pagkakalantad ng mga kabataan sa pornography, sa totoong konsepto ng seksuwalidad, droga, prostitusyon at paghubog sa pag-uugali ng tao.
Naniniwala rin si Fr. Cancino na ang patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV case sa Pilipinas ay epekto na rin ng awareness campaign kaya’t marami na ang nagpapatingin at nakikitang positibo sa pagkakaroon ng HIV.
Sa tala, aabot sa average na 40 kaso kada araw ang nahahawa ng HIV simula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Nangangamba rin ang pari dahil ang pinakamalaking porsyento ng nagkakaroon ng HIV ay nahahawa dito sa Pilipinas na dati ay karaniwang nakukuha ng mga overseas Filipino worker (OFW).
“Ang OFW dati talaga ang concentration ng population for HIV at hanggang ngayon may nagpopositibo pa rin pero for the past 15 years ay locally transmitted na rin, ‘yun ang mataas na porsyento,” ayon kay Fr. Cancino.
Kaya’t patuloy ang panawagan ng simbahan sa publiko na maagang magpatingin sa doktor para sa tama at libreng gamutan nang hindi na makahawa pa sa iba. (Mia Billones)