UMAABOT sa 40 kilo ng hot meat o botcha ang nasabat ng National Meat Inspection Service (NMIS) sa ikinasang operation sa loob ng Iloilo Terminal Market, Biyernes nang hapon.
Ayon kay Jose Ariel Castañeda, Local Economic Enterprise (LEE) officer, layunin ng operasyon na masigurong ligtas ang mga mamimili sa mabibiling karne na kung saan ay inaresto rin ang mga nagtitinda nito.
Hindi naman itinuro ng mga nahuling vendor ng botcha kung sino at saan nila kinukuha ang mga double dead na karne.
Ang mga nakumpiskang botcha ay nakatakdang ibaon sa lupa upang hindi na magamit pa.
Kaugnay nito, nagbabala ang ahensiya sa mga vendor na mahaharap sa malaking asunto kapag muling nahuling nagbebenta pa ng bulok na karne.