40 porsiyento ng Boracay ipamimigay

Kung iuutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nasa 15.5 hektaryang agricultural land ang agad na maa­aring maipamahagi sa mga farmer beneficiaries, ayon kay Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary John Castriciones.

Ayon kay Castriciones, ang naturang agricultural land ay pawang ‘alienable and disposable’ at kung bibigyan ng go signal ng Malacañang ang pamamahagi nito ay ang mga indigenous people at mga magsasaka ang unang makikinabang nito.

Hindi naman tinukoy ng DAR kung anong bahagi sa isla ang agricultural land subalit kahit pa umano may mga nakatayong istraktura dito ay maaari pa rin itong isailalim sa agrarian reform at ang mga kakailanga­ning dokumento ay kayang ihanda ng ahensiya sa loob lamang ng 120 araw.

Matatandaan na una nang sinabi ni Pangulong Duterte na ang Boracay ay isang land reform area na sa ilalim ng batas ay pagmamay-ari ng gobyerno kaya maaaring ibigay sa mga magsasaka. Aniya, isasailalim niya sa land reform ang Boracay sa oras na matapos na ang 6 na buwang rehabilitasyon nito.