40 preso ng Palawan Penal Colony umeskapo

Apatnapung bilanggo ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Puerto Princesa, Palawan ang tumakas sa piitan kamakalawa.

Nabatid na ang mga bilanggo ay dati nang nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) pero nagbalik kulungan dahil sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kinumpirma ito kahapon ni Levy Evangelista, tagapagsalita ng IPPF.
Nagkanya-kanya umanong takas sa iba’t ibang exit point ang mga preso.
Base sa ulat, gusto na umanong umuwi ng mga preso subalit sinabihan sila ng pamunuan ng IPPF na huwag muna at maghintay ng kanilang papel na kasalukuyang pinoproseso ng Department of Justice (DOJ).

Sa ngayon, nakiusap na ang mga opisyal ng IPPF sa mga tumakas na bilanggo na muling bumalik sa piitan at hintayin ang pormal na release paper upang maging legal ang kanilang paglaya.

Matatandaang noong Setyembre, ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang mga presong nakalaya mdahil sa GCTA na sumuko sa loob ng 15-araw dahil kung hindi ay ikokonsidera silang mga takas na bilanggo.

Naging kontrobersyal ang GCTA matapos na mapag-alaman na isa si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa mga makikinabang nito.

Si Sanchez ay convicted rapist at murderer dahil sa pagpatay sa UP Los Baños student na si Eileen Sarmenta at Allan Gomez. (Edwin Balasa)