400 Pinoy worker binigyan ng libreng shuttle bus service ni Isko

Mahigit na 400 Overseas Filipino Worker (OFW) na stranded sa Ninoy Aquino International Airport at sa Parañaque Integrated Terminal Exchange, ang pinagkalooban na libreng shuttle service ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa ilalim ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM).

Nalaman kay Manila Mayor Francisco `Isko Moreno’ Domagoso matapos na ipinaalam ni DTCAM operation officer Angel Carlo Salonga na sa nabanggit na bilang, 250 sa mga OFWs ay pawang residente ng Maynila.

“Tuloy-tuloy ang serbisyong binibigay ang ating pamahalaan sa mga OFW na bumabalik dito sa ating bansa,” ayon kay Salonga .

“Hindi po tayo titigil sa pag-assist sa ating mga OFW para po makauwi sa kanya-kanyang mga barangay mapa-dito man sa ating lungsod o hindi,” dagdag ni Salonga.

Nabatid na bukod sa libreng shuttle service sa mga na stranded na OFWs ,nagkaloob rin ang lokal na pamahalaan ng 605 travel pass.

Maaring mag apply ng travel pass sa DTCAM via email sa manilatravelpass@gmail.com ,ang mga stranded na OFW.(Juliet de Loza-Cudia)