Nanawagan ang isang respected at veteran sports official sa kinauukulan na magtayo ng isang modernong indoor stadium na magiging malaking tulong hindi lang sa grassroots sports kundi maging sa elite bukod pa sa tourism at magpapabuti sa imahe ng bansa.
“Twenty six years na ang PSC (Philippine Sports Commission) wala ni isa sa kanila ang nakaisip na magtayo ng kahit isang indoor sports stadium. Sana itong present administration makagawa tayo,” wika kahapon ng umaga ni Prof. Robert Milton A. Calo ng McRobertz Sports Academy of the Philippines, Inc., ang organizer ng binuksan kamakakalawang 29th MILO Little Olympics 2016 NCR and South Luzon Leg sa Marikina Sports Center.
Ayon kay Calo na miyembro rin at executive vice president ng Federation of School Sports Association of the Philippines, maaaring magamit ang stadium ng mga kabataan para mailayo sa bawal na droga, mga bagong sibol na atleta at maging ng national athletes.
“Hindi lang yan. Kahit umuulan o may bagyo hindi maka-cancel ang mga sports activities, makakapag-host din tayo ng ilang international competitions na good for sports tourism at maipapakita natin na maganda at tahimik sa Pilipinas hindi ang sinasabi ng ilan na magulo sa Mindanao dahil nabasa raw nila,” hirit ni Calo.
May mahigit 4,000 elementary-secondary student-athletes edad 16-anyos pababa mula CALABARZON, MIMAROPA at Bicol regions ang naglalabu-labo MLO sa 23 disciplines na may tayang 523 gold-silver-bronze medals.
Sunod pang tatlong yugto ng Nestle Philippines, Inc. nationwide sports talent search na pinanggalingan ni 2016 Rio Olympian Ian Larriba ng table tennis noong 2004 ang North & Central Luzon Leg sa Baguio sa Setyembre 3-4, Visayas leg sa Cebu sa Set. 8-11 at Mindanao Leg sa Cagayan de Oro sa Set. 30-Oktubre 2.