40K PPE pinamigay ng SMC sa 60 ospital

Umabot na sa 40,000 mga personal protective equipment (PPE) ang dineliber ng San Miguel Corporation (SMC) bilang donasyon sa mahigit 60 ospital bilang suporta upang labanan ang coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Kasabay nito, sinabi ng SMC na inaasahan din nilang makuha na ngayong Lunes, Abril 20, ang unang batch ng 10,000 PPE na gawa ng mga local garment manufacturer, sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon sa SMC, naipadala na rin nila ang unang batch ng mga donasyong ventilator sa limang public hospital at kasalukuyang hinihintay pa nito ang mga delivery ng ilan pang makina.

Sabi ni SMC president at COO Ramon S. Ang, humahanga siya sa mga kompanya at mga taong nagsasama-sama para makahanap ng mga bagong paraan upang harapin ang hamon ng COVID-19 sa bansa.

“We thank the DTI and the CONWEP for this. We stay committed to helping ease the strain on our medical system and protecting our medical health workers,” pahayag ni Ang.

Ang Philippine General Hospital, San Lazaro Hospital, Quirino Memorial Medical Center, East Avenue Medical Center, at Lung Center of the Philippines ang mga unang nakatanggap ng ventilator at may 55 pa itong idideliber sa mga ospital sa susunod na mga araw.

Ang pinakabagong donasyong ito ng SMC ay bahagi ng P500 milyong pondong inilaan ng kompanya para tulungan at pangalagaan ang mga medical frontliner. Bukod pa rito, marami na ring donasyon ang SMC na mga relief pack, tinapay, at pati toll ng mga frontliner sa mga expressway na pinapatakbo ng SMC ay inilibre na rin.

“Our medical front liners are in dire need of equipment to combat this pandemic. Again, I couldn’t be more proud of how everyone in our group is stepping up to the plate,” sabi ni Ang.

Kinalampag na ng SMC ang mga global supplier nito para makuha agad ang mga kinakailangang medical supply. (Eileen Mencias)