42 HIV case kada araw mula Enero, 22 namatay – DOH

Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng 42 kaso ng mga tinamaan ng human immunodeficiency virus (HIV) kada araw mula noong Enero 2019.

Ayon sa DOH Epidemiology ­Bureau, ito ay matapos na maitala ang 1,200 bilang ng HIV case, kasama na ang 22 nasawi nitong ­Enero lamang.

Sa record ng HIV/AIDS & Art Registry of the Philippines (HARP) ng DOH-EB, nasa 1,248 newly confirmed HIV-positive individual ang naitala nila noong Enero 2019.

Mas mataas umano ito kumpara sa 1,021 kaso na naiulat sa kahalintulad na buwan noong nakaraang taon.

Nabatid na 16% o 196 ng mga bagong kaso ay may clinical manifestation ng advanced HIV infection nang panahong matukoy o ma-diagnose ito.

Nalaman sa DOH na kabilang sa mga bagong biktima ay walong buntis na mula sa National Capital Region (NCR), apat na kaso; at tig-iisa sa Ilocos Region, Western Visayas at Eastern Visayas.

Ang sexual contact pa rin ang pangunahing dahilan ng pagkahawa ng sakit ng may 1,223 pasyente o 98 percent ng kabuuang bilang, habang ang iba pang modes of transmission ay pakikigamit ng karayom ng mga drug user sa pagtuturok ng iligal na droga (siyam na kaso); mother-to-child transmission (apat na kaso) habang hindi tukoy kung paano nahawa ng HIV ang 13 iba pang pasyente. (Juliet de Loza-Cudia)