Higit sa 43,000 bilang ng overseas Filipino workers (OFWs) ang inaasahang babalik na sa Pilipinas sa pagitan ng Mayo at Hunyo matapos tamaan ang kanilang mga trabaho dulot ng coronavirus pandemic sa buong mundo, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na nawawalan na ng trabaho ang mga Pinoy.

Bagama’t nawalan ng trabaho ang ilan, nagdesisyon silang manatili sa lugar at umaasa pa ring makakahanap ng trabaho.
Aniya, umabot na sa 27,000 OFWs ang nauna nang napauwi at 16,000 sa kanila ang inaasahang makakakumpleto ng 14-day quarantine at swab test para sa coronavirus sa linggong ito.

Hindi nagbigay ng eksaktong bilang ngunit sinabi ni Bello na maraming iba pang mga OFW ang stranded sa ibang bansa, tulad ng mga nasa Kuwait na nasa ilalim ng lockdown at ipinagbabawal ang mga flight.

Sinabi ni Bello na ang ahensiya ay tutulong sa 72 manggagawa na dapat ay mag-a-abroad at na-stranded sa halip na sa Quezon City.
Ang kanilang recruitment agency ang dapat na babalikat ng kanilang gastusin sa hotel at kailangang maibalik ang kanilang placement fee, ayon pa sa kalihim.

Una nang sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na dahil sa coronavirus pandemic, maaaring matapyasan ng 20 hanggang 30 porsyento ang mga remittance ng dolyar mula sa mga OFW dahil sa pagtigil ng mga negosyo sa buong mundo.

Ang cash remittances, o mga pinadadaan sa mga bangko at financial institutions, ay nakapagtala ng $30 bilyon (P1.5 trilyon) noong 2019, na tumutulong sa pagpapalakas ng peso laban sa dolyar. (Mina Aquino)