Vladi Eduarte

Tumaas ang telon ng 2017-2018 season ng PBA noong December 17, 2017, natapos noong Dec. 19, 2018 nang sikwatin ng Magnolia ang Governors Cup title sa Game 6 kontra Alaska.

Ayon kay PBA chief statistician Fidel Mangonon III, pinakamahaba na sa 43-taon ng PBA ang nagdaang season.

Umabot ng mahigit isang taon, dahil sa breaks sa kasagsagan ng tatlong conferences para bigyang-daan ang partisipasyon ng Pilipinas sa apat na windows ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers (February, July, September, November). May Asian Games pa noong August.

Sa lahat ng international tournaments, binigyan ni commissioner Willie Marcial ng karapatan ang Samahang Basketbol ng Pilipinas at ang national coach na kumuha ng pool mula sa 12 teams ng pro league.

Pero kung tutuusin, technically ay hindi pa tapos ang 2017-18 season dahil hindi pa natatapos ang Leo Awards – ang pagbibigay ng pagkilala sa mga individual na kuminang sa buong season.

Karaniwang sa pagtatapos ng season ginaganap ang Leo Award.

Ngayong 2017-18, isasabay na ang Leo sa opening ng 44th season sa January 13 sa Philippine Arena sa Bocaue.

Ibibigay sa ceremonies ang MVP award, Mythical Team, Most Improved Player at Rookie of the Year.

Hindi nagpasingit si June Mar Fajardo sa nagdaang mga taon, tinuhog ng San Miguel Beer big man ang huling apat na MVP awards.